Ang pangunahing batayan o panuntunan sa organikong pagtatanim ay ang pagtatanim mula sa organikong buto o binhi. Ibig sabihin, ang buto ay dapat na nanggaling sa isang organikong halaman. Kung ang buto ay nanggaling sa isang halaman na hindi organiko, o 'di kaya naman ay galing sa komersiyal na pakete na hindi tinukoy ang pagiging organiko nito, maaari itong palakihin sa pamamagitan ng organikong pamamaraan, at ang magiging binhi nito ay 50 porsiyentong organiko. Dito muling itatanim ang binhi na nanggaling sa 50 porsiyentong organiko, at ang susunod na binhi ay matatawag nang tunay at purong organikong binhi.
Mga pamamaraang ginagamit sa organikong pagtatanim.
Paggamit ng mga natural na pataba na nasa paligid lamang. Halimbawa, ang paggamit ng dumi ng mga hayop katulad ng baka, kabayo, kalabaw at iba pang hayop. Paggamit ng mga tuyong halaman at iba pang legumbre, pagpapalit-tanim, at tamang panahon ng pagtatanim at akmang paggamit ng lupa.
Sa organikong paraan ng pagtatanim, hindi kinakailangan ang paggamit ng mga pestesidyong kemikal, kundi sa pamamaraang natural, sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga makabuluhang tanim na may kaukulang bisa na tumataboy sa mga peste at iba pang insekto [halimbawa na rito ang mga halamang Marigold, Cosmos, Neem, Sweet Basil, Damong Maria at iba pa.] o mga katas ng halaman na pinoproseso at nagiging epektibong pestesidyo [halimbawa ay ang pag proseso ng katas ng Neem bilang panlabas sa leaf miners, leaf hopper at iba pa. Paggamit ng katas ng Marigold bilang panlaban sa pesteng aphids at iba pa.]
Bakit kinakailangan ang pamamaraang organiko?
Dahil nagbubunga ito ng pangmatagalan at magandang ugnayan ng tao at ng kalikasan. Hindi nalalason ang hangin, ang tubig at ang lahat ng nilalang sa pamamagitan ng paggamit ng natural na pestesidyo. Hindi nalalason ang lupang taniman at napananatili ang kalidad nito. Mataas na kalidad ng gulay, prutas at mas mataas na bitamina, at higit sa lahat, ligtas na pagkain.
No comments:
Post a Comment